Linggo, Disyembre 25, 2011

Pagsubok sa Araw ng Pasko

Pagsubok sa Araw ng Pasko

Pighati. Sumusugat. Masidhing damdamin ang kumakawala sa aking dibdib.


sisikat pa ba araw
May pag-asa pa ba ang biktima ng Bagyong Sendong sa ating mga kababayan sa Mindanao? Ah...Tanong na kay hirap sagutin lalo na kung ikaw ay isa sa biktima.



Hindi madaling tanggapin ang mawalan ng anak, asawa, kapatid, magulang,at kamag-anak. Gayundin ng tahanang nagsisilbing kanlungan ng iyong mga anak kung ito ay may karamdaman at asawang pagod sa maghapong pakikipagsapalaran sa buhay.


Hindi maunawaan ng isang tulad ko ang mga pangyayaring ito na siyang sumikil sa buhay ng ating mga kababayan at pumutol sa edukasyon ng mga batang paslit na nagsisimula pa lamang mamulat sa katotohanan ng buhay.

sinikil na kaligayahan
Sendong, ikaw lang pala ang wawasak sa pangarap ng mga batang nagsisimulang tumayo sa kanilang sariling mga paa. Tunay na isang kahindik-hindik na regalo ang ibinigay mo sa bawat isa sa kanila.

Nadudurog ang aking puso sa nakikita kong mga larawan ng mga walang awang tinangay ng malakas na agos at nilamon ng tubig na punung-puno ng putik. Hindi man lamang nila naramdaman ang tunay na diwa ng Pasko na pairalin ang pagmamahalan, pagbibigayan at pagtutulungan. Kahit anong gawin ng ating mga kawanggawa hindi madaling maghilom ang pangyayaring ito na siyang sumira at nagsilbing itim na telang bumalot sa loob ng bawat tahanan.

hindi ito ang solusyon
Umalis na nga si Sendong...Pero matinding hagupit at pagluluksa ang kanyang iniwan...Dumurog sa mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay...Napakasakit...Parang isang supot ng asin ang ibinuhos sa bawat puso...


Pasko na nga...

Mahirap ngumiti at humarap sa mga tao at sabihing Maligayang Pasko gayong sa iyong puso ay puno ng pagdurusa at pagpipighati. Ang kapanganakan ni Hesus ang solusyon sa mga lungkot at pagluluksa ng ating mga kababayan. Maraming Santa Klaus na tutulong upang muling itayo at ibangon ang nalugmok sa pagdurusa...

Ibinibigay ang pagsubok upang lalong tumatag at tumibay sa anumang tinik ng dibdib na sumususugat sa bawat isa sa atin. Pero parating pakatatandaan, hindi ka nag-isa sa pagsubok na iyan. Andiyan si Job na nagkaroon ng nakadidiring sakit, naghirap, at iniwan ng asawa pero hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos.

Hindi laging lumulubog ang araw. Sa halip ito ay muling sumisikat upang magbigay ng panibagong pag-asa, muling mangarap at makibaka sa pagsubok na muling darating. Isinilang si Hesus upang tayo ay maging maligaya, pairalin ang pabibigayan at palaganapin ang espiritu ng pagmamahalan. Dito tayo muling tatayo at bubuo ng bagong pangarap sa Araw ng Kanyang pagsilang. Sa kabila ng kalungkutan, ngayon natin bigkasin MALIGAYANG KAARAWAN sa iyo HESUS!







    
   NoR
*122511*

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento