Biyernes, Enero 6, 2012

Kung Mayaman Lang Ako

Pagtanggap
         Responsibilidad. Sagabal. Gobyerno.

     Mga salitang maikukumpara sa mga bituing nagpapagalingan sa pagkinang sa kalawakan ng langit kung sino ba ang pinakamaningning sa kanilang lahat. Tila ba nagpapapansin sa taong nakahiga sa bubungan ng kanilang tahanan. 
       Nakatingin sa kawalan habang maaliwalas ang mukhang nakatingala sa kalangitan na tila naghahanap ng kasagutan sa kanyang mga katanungan.

       Hindi magkamayaw ang mga taong inaabutan ng mga relief goods habang patuloy at may ngiti sa labing iniaabot ang nakasupot na delata, bigas, noodles, at iba pang kagamitan sa paglilinis ng sarili.  Hindi alintana ang pagod sa pagbibigay ng mga bagay na nakakatulong sa kapwa. Saanman man may sakuna, hindi nagdadalawang isip na magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Mga nasalanta ng kalamidad ang kadalasang pinupuntahan. Bokasyon niya ang makatulong kung walang pasok sa trabaho.

Nakacoat and tie, makintab na sapatos, magarang relo, plantsadong damit, at attache case na hawak-hawak habang papasok sa isang mataas na gusali. Bumabati at yumuyukod ang lahat ng kanyang nasasalubong. Mataas ang posisyon sa kompanyang pinapasukan. Mataas ang sweldo na halos sobra-sobra na sa kanyang pangangailangan. Nagtatagumpay sa bawat hawakang proyekto kung kaya patukoy na tumataas ang posisyon sa trabaho dahilan upang kainggitan ng lahat.  

Parating kakambal ang mga ngiti at maaliwalas na mukha sa kanyang paglalakad. Walang pinipiling tao. Kahit sino ang makasabay ay kanyang pinakikiharapang mabuti kung kaya hindi maiwasan ang magkaroon ng maraming kaibigan sa loob at labas ng opisina. Sa pagsapit ng hapon, isa siyang tipikal na kawaning nakikisabay sa paglabas ng mga kasamahan.





Pag-asa
Maliksing tumatakbo habang hawak ang bola ng basketbol. Nag-iisip ng paraan kung paano makakawala sa mga gustong humadlang sa kanyang planong maibuslo sa net ang bola. Hindi nagtagumpay ang mga humaharang sa kanyang daraanan. Kung hindi man, ipinapasa niya ito sa kanyang mga kasamahan. Tipikal na manlalarong nangangailangan ng pagkakaisa upang mapagtagumpayan ang laban. Pagkatapos ng laro ay sabay-sabay na silang maghihiwalay upang makasalo ang pamilya.

          Masaganang hapunan ang kanyang daratnan sa bahay. May gulay, isda, karne, at prutas na tumutugon sa pangangailangan ng malusog na pangangatawan. Masayang nakikipagkwentuhan habang kumakain ng hapunan. Malulutong na halakhakan ang maririnig na tila hindi man lamang dinadalaw ng kalungkutan.

          Toink! Toink ulit...at isa pang toink! May tumamang lata sa kanyang ulo. Kung hindi siya nakailag ay malamang na tumama rin sa kanya ang isang pirasong sirang tsinelas. “Bumaba ka na riyan at simulan mo na ang pagliligpit ng gamit!”, sigaw ng kanyang kasambahay.

          Lilipat na naman sila ng bahay. Pinapaalis na sila ng gobyerno sa kanilang tinitirhan. Gigibain na ito oras na sila ay makaalis. Bagong lugar na naman ang kanilang pupuntahan.


          
Pag-aaruga
          Ibang paaralan na naman ang kanyang papasukan. Umabot na tuloy siya sa edad na 12 gayong nasa Ikalawang Baitang pa lamang siya. Tama na raw iyong natuto siyang magbasa at magsulat kaya pinatigil na siya sa pag-aaral. Maghanapbuhay na lamang daw siya. 

        Una. Makatulong sa kapwa. Paano siya tutulong gayong sila pa nga ang una sa listahan sa mga binibigyan ng tulong dahil sa dami nilang magkakapatid. Isang dosena silang magkakapatid at buntis pa ang kanyang ina. Hindi sapat ang kita ng kanyang mga magulang sa pagtitinda ng sampagita sa tapat ng simbahan kaya umaasa na lamang sila sa tulong ng iba.

         Pangalawa. Makapagtrabaho kahit sa pabrika lamang. Paano gagawin gayong hindi pa nakakatapos man lamang sa elementary. Paggawa na lang ng kwintas na sampagita ang trabahong kaya niyang gawin. Dito siya magaling kahit magkaroon pa ng contest walang tatalo sa husay at galing niyang gumawa ng kwintas na sampagita. 



Pagkalinga
         Pangatlo. Makapaglaro kasama ang mga kaibigan. Paano niya gagawin gayong isa siya sa tumutulong sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda. Walang panahon para sa kanya ang paglalaro dahil wala silang makakain kung paglilibang ang kanyang gagawin. Isa pa, ang paglalaro ay sagabal lamang sa pag-aalaga ng kanyang mga nakababatang kapatid kung araw na hindi siya ang naglalako.

         Maraming nasasayang na pagkakataon kung pagtulong sa pamilya ang aatupagin kaysa sa mag-aral. karapatan ng bawat bata ang makapag-aral at magkaroon ng pamilyang mag-aaruga at tutulong upang maging isang mabuting mamamayan. Kung magpapatuloy ang ganitong paniniwala hindi nga uunlad ang ating bansa gayundin ang mga sarili. Magulang na mismo ang pumipigil upang marating ng bawat anak ang kanilang mga pangarap.

        Kaya patuloy na lamang siya sa pangangarap at parating winiwika sa sarili na...




Pag-asam
"Sana hindi mawala ang pangarap sa aking isipan dahil iyon na lamang ang meron ako. Ang mangarap na malampasan ang kahirapang ito. Sana naging mayaman na lamang ako." - Tukmol 

Siya si Tukmol, kuntento na lamang sa pangangarap na sana mangyari sa kanya ang lahat ng kanyang ninanais. 

Sanggunian:

Linggo, Disyembre 25, 2011

Pagsubok sa Araw ng Pasko

Pagsubok sa Araw ng Pasko

Pighati. Sumusugat. Masidhing damdamin ang kumakawala sa aking dibdib.


sisikat pa ba araw
May pag-asa pa ba ang biktima ng Bagyong Sendong sa ating mga kababayan sa Mindanao? Ah...Tanong na kay hirap sagutin lalo na kung ikaw ay isa sa biktima.



Hindi madaling tanggapin ang mawalan ng anak, asawa, kapatid, magulang,at kamag-anak. Gayundin ng tahanang nagsisilbing kanlungan ng iyong mga anak kung ito ay may karamdaman at asawang pagod sa maghapong pakikipagsapalaran sa buhay.


Hindi maunawaan ng isang tulad ko ang mga pangyayaring ito na siyang sumikil sa buhay ng ating mga kababayan at pumutol sa edukasyon ng mga batang paslit na nagsisimula pa lamang mamulat sa katotohanan ng buhay.

sinikil na kaligayahan
Sendong, ikaw lang pala ang wawasak sa pangarap ng mga batang nagsisimulang tumayo sa kanilang sariling mga paa. Tunay na isang kahindik-hindik na regalo ang ibinigay mo sa bawat isa sa kanila.

Nadudurog ang aking puso sa nakikita kong mga larawan ng mga walang awang tinangay ng malakas na agos at nilamon ng tubig na punung-puno ng putik. Hindi man lamang nila naramdaman ang tunay na diwa ng Pasko na pairalin ang pagmamahalan, pagbibigayan at pagtutulungan. Kahit anong gawin ng ating mga kawanggawa hindi madaling maghilom ang pangyayaring ito na siyang sumira at nagsilbing itim na telang bumalot sa loob ng bawat tahanan.

hindi ito ang solusyon
Umalis na nga si Sendong...Pero matinding hagupit at pagluluksa ang kanyang iniwan...Dumurog sa mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay...Napakasakit...Parang isang supot ng asin ang ibinuhos sa bawat puso...


Pasko na nga...

Mahirap ngumiti at humarap sa mga tao at sabihing Maligayang Pasko gayong sa iyong puso ay puno ng pagdurusa at pagpipighati. Ang kapanganakan ni Hesus ang solusyon sa mga lungkot at pagluluksa ng ating mga kababayan. Maraming Santa Klaus na tutulong upang muling itayo at ibangon ang nalugmok sa pagdurusa...

Ibinibigay ang pagsubok upang lalong tumatag at tumibay sa anumang tinik ng dibdib na sumususugat sa bawat isa sa atin. Pero parating pakatatandaan, hindi ka nag-isa sa pagsubok na iyan. Andiyan si Job na nagkaroon ng nakadidiring sakit, naghirap, at iniwan ng asawa pero hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos.

Hindi laging lumulubog ang araw. Sa halip ito ay muling sumisikat upang magbigay ng panibagong pag-asa, muling mangarap at makibaka sa pagsubok na muling darating. Isinilang si Hesus upang tayo ay maging maligaya, pairalin ang pabibigayan at palaganapin ang espiritu ng pagmamahalan. Dito tayo muling tatayo at bubuo ng bagong pangarap sa Araw ng Kanyang pagsilang. Sa kabila ng kalungkutan, ngayon natin bigkasin MALIGAYANG KAARAWAN sa iyo HESUS!







    
   NoR
*122511*